Sunday, July 27, 2014

Ang Lumang Bahay (Part 1)

Panaginip

Kapag ikaw ay nanaginip daw ng dumi ang kahulugan daw nito ay pera. Subalit ano ang kahulugan ng panaginip kung sa halip na dumi ay naguumapaw na tubig sa lagayan ng dumi ang iyong nakikita?

Sa aking pagmulat ako daw ay nakaupo o nakahiga sa banyo, hindi ko mabatid. Ang natatandaan ko lang sa sandaling nag-flush ako ng toilet ay bigla na lang nagumapaw ang tubig hanggang sa nagdulot na ito pagbaha sa loob ng banyo at ako'y nawalan ng ulirat.

Sa aking pagmulat ako ay napadpad sa isang malaking kusina, sa isang malaking bahay. Punung-puno ng hugasin ang lababo. Patong patong na mga kaldero, kawa, mga pinggan at kung anu ano pang lagayan ng pagkain. Napakalaki ng kusina at kahit na walang nakabukas na ilaw ay naaaninag ko ang paligid dahil sa liwanag na nagmumula sa malalaki nitong bintana. Marahil ay alas tres na ng hapon, medyo makulimlim subalit nag-aagawan ang liwanag mula sa araw na siyang tumatama sa dilaw na pintura ng mga dingding sa kusina. Ang aking pakiramdam ay puno ng frustration sa dami ng kalat na nakikita ko sa paligid. May nagsasabi sa isip ko na kakatapos lang ng handaan at napakarami na namang hugasin. Subalit wala akong matandaang handaan na pinuntahan. At bakit sa bahay na ito, mistulang napabayaan na ng ilang taon ang mga hugasing nakakalat sa lababo? Nasaan ba ako?

May pumasok na lalaki sa kusina, nakaitim siyang damit at parang bang nakikilala ko siya.

"Tay, nasaan ba nanay? Ang daming hugasin."

Tumango ang lalaki at patuloy na naglakad papalayo. Sinundan ko siya palabas ng pinto sa gawing kanan ng kusina.

Sa aking pagmulat ako ay napadpad sa bakuran kung saan ilan pang gamit ng bahay ang nakakalat. Sa may pader adjacent sa kusina, mayroong TV na nakapatong sa isang maliit na lamesa. Sa aking pakiramdam, normal lang na naglilinis ako sa lugar na ito habang nanunuod ng palabas. Sino ba ako? Wala naman akong natatandaan na programa na pinapanuod. Galing lng ako sa isang maduming kusina at lumabas sa bakuran na ito. Nasaan ba ako? At ganun pa rin ang aking paligid, bukas ang TV, may kalat na dapat linisin sa bakuran. Sinimulan kong linisin ang mga kalat. Parang napakahabang oras ang lumipas sbalit sa isang iglap malinis na ang bakuran. Nagplaplay pa rin ang TV. Sa aking isip may nagsasabi, malinis na ang paligid, maaari na ko magpahinga, tatawagan ko ang barkada at pupuwede na kami mamalagi dito sa bakuran. Sino ba ako? Bakit ko ba iniisip ang mga bagay na ito? Bakit pansamatala gumagaan pakiramdam ko? Bumalik ako sa kusina.

Sa aking pagmulat may isang babae na nakaitim na damit ang sumalubong sa akin. Tila ba kilala ko siya.

"Nay, ang kalat naman dito. Ang daming hugasin. Hindi ba tayo maglilinis?"

Tumango lang sa akin ang babae at nagpatuloy sa paglilinis sa kusina.

"Nay, sa ating ba tong bahay? ang tanong ko sa kniya.

Hindi siya umiimik. Sa aking pakiramdam, naaalala ko nang aking bilhin ang lumang bahay na ito. Sino ba ako? Ngayon lang ako napadpad sa lugar na ito. Nasaan ba ako?

"Nay ang daming nakakalat na mga gamit dito."

Patuloy lang ang babae sa kaniyang ginagawa habang aking pinagmamasdan ang malalaking estante na nakatayo sa kusina na tila ba nagsisilbing divider sa kabilang kuwarto. Mga apat na malalaking aparador ang aking nakikita. Lahat ay may salamin kung saan mahagya mong makikita ang iyong sarili dahil sa dami ng alikabok na bumabalot dito. Subalit hindi ko sinubukang tingnan ang aking repleksiyon. Sa aking pakiramadam, nais ko na malinis agad ang paligid. Hindi ako mapakali na marami akong nakikitang kalat. Sa aking isip naaalala ko na marami kaming naligpit na mga bakal sa bahay na ito. Sino ba ako? Nasaan ba ako? Bakit nararamdaman ko ang mga bagay na ito.

Sa sahig ng kusina marami akong nakitang nagkalat na mga pako at malilit na bakal. Sa aking isip may nagsasabi, bakit nandito pa to? Di ba nakulekta na namin to at ibinenta sa nangangalakal ng bakal?

"Nay, marami pang nagkalat na bakal dito sa bahay, nasaan ba yung lagayan ng mga naipong bakal?"

Subalit hindi sumagot ang babae. Tumayo ako at sumilip sa bintana. Nakita ko siya nag-iigib sa poso sa bandang likuran malapit sa bakod.

"Kinuha na ng mga pinsan mo nung isang araw ang mga bakal." ang sabi ng babae, subalit hindi ko alam kung sa akin ba siya nakatingin.

Nasaan ba ako? Muli kong pinagmasdan ang kusina, ang dilaw na pader, ang kisame at ang mga bakas ng tubig na may dalang putik. Maging sa pader ay may maaaninag na disenyo na nabalutan na lamang ng bakas ng tubig baha.

Sinundan ko ang mga nakatayong aparador. Sa likod nito ay mayroon ngang isa pang kuwarto ang tumambad sa akin. Madilim sa loob. Hindi ko maaninag kung ano ang maaaring nilalaman nito. Mula sa kusina, binaybay ko ang pader ng kuwartong ito hanggang sa makarating ako sa may pintuan. Subalit hindi ito pintuan. Isa itong malaking arko. Ang disenyo ay para bang replika ng makukulay na arko na makikita mo sa mga birthday cake ng mga bata. Katulad na katulad ang disenyo nito sa mga nakikita ko na cake nung ako ako ay bata pa. Marahil batang babae ang natutulog dito. Sa loob ay bahagya ko nakita ang mga lumang kurtina na nakasampay sa malalaki nitong bintana. May araw pa sa labas ang sumagi sa aking isip. Nagpasya akong pumasok upang alamin kung kanino ang kuwarto na ito. Kahit na may naaaninag akong liwanag ay dahan dahang nabalot ng dilim ang aking katawan hanggang sa ako'y wala nang makita. Nasaan ang binata? Kanina lang ay naaaninag ko ang liwanag. Sino ba ako? Nasaan ba ako.

Sa aking pagmulat, ako ay nagising sa maingay na tunog ng aking aircon. Isang panaginip? Ang tanong ko sa aking sarili. Sublit parang totoo ang lumang bahay. Nararamdaman ko pa ang mabilis na pagtibok ng aking puso. Naisip ko na matulog ulit at baka sakiling mabigyan ng sagot ang aking panaginip. Subalit alas dose na ng tanghali at kailangan ko nang bumangon.

Itutuloy...

Saturday, July 26, 2014

Pagsapi (Part III)

Ayon sa aking mga kaklase nang sandaling nakita ko ang matandang lalaki at nawalan ng malay ay bigla na lamang daw akong naglaho.

Si Myeth ang unang nakapansin sa aking pagkawala. 

"Nasaan si Allen?" Biglang lumapit si Byron at Nicole sa kaniya. 
Sabi ni Nicole, "hindi ba kay Allen itong kandila?" Sabay turo sa kandilang naiwan sa likuran ng estante. 

Nagpanic sila at nagmadaling hinanap ang iba naming mga kaklase na nasa may kusina.


"Myeth, dapat ata sabihin na natin ito sa ate mo para matulungan niya tayo", ang sabi ni Erwin. 

"Sige, Erwin isama mo si Byron at ang iba pa nating mga kaklase, hanapin niyo ulit si Allen sa library. Hintayin niyo kami ni Nicole, susunduin namin si ate" ang sabi ni Myeth.

Hindi pa nakakalayo sa mansiyon si Myeth at Nicole ng salubungin sila ng kaniyang Ate Laura. 

"Myeth, ano ginagawa niyo sa mansiyon? Bakit may mga sumisigaw sa loob? Sino yung Allen?", ang tanong ng kniyang ate. 

"Ate, si Allen yung kaklase ko bigla na lamang siya nawala sa loob, hindi namin alam kung nasaan na siya. Kanina kasama lang namin siya sa library ng bigla na lang siya nawala. Eto lang kandila niya yung naiwan"  ang sabi ni Myeth.


"Myeth, di ba sabi ko sayo hindi biro ang mga paalala ni Aling Juaning at Trining sa mansiyon na iyan? Ilang beses ko ba sasabihin sayo na matagal ng ipinagbabawal na may-ari na pasukin ang bahay? Saka pano ba kayo nakapasok eh kaninang umaga lang kinadena yan ni Kuya Emong yung asawa ni Aling Juaning nung marinig niya na papasok ka na naman?"


"Ate, alam ko pasensiya ka na, hindi naman namin inaasahang mangyayari to. Samahan mo na lang kami, nasaan ba sila Aling Juaning, baka matulungan nila tayo."


"Umalis ang mag-asawa, kasama si Ate Trining kagabi at manganganak na daw ang panganay nila si Julia, yung taga San Mateo?, Oh siya halika na, hanapin na natin ang kaklase mo, Nicole iha dalhin mo tong kandila ni Allen."


Pasado ala-una na ng umaga at hindi pa rin nila ako nakikita. Nilibot nila ang buong mansiyon, maging ang mga kuwarto sa taas at mga bodega sa ibaba subalit hindi nila ako makita. Walang anu-anoy biglang sumigaw ang isa naming kaklase si Nicole. Sinundan nila ang sigaw at lahat sila ay nagulat sa kanilang nakita. Sa labas ng mansiyon, sa may swimming pool sa tapat ng bintana ng library nakita nila ako. Ako daw ay nakahiga at lumulutang sa swimming pool, pero walang tubig sa swimming pool dahil matagal na ngang abandunado ang mansiyon. Hindi nila alam ang gagawin maging ang kaibigan kong si Byron ay hindi alam kung ano ang gagawin. Ayon sa kaniya, wala din daw siyang nakitang nilalang mula ng nawala ako sa library, parang bang naglaho din ang kakayanan niyang makakita nung sandaling ako ay nawala. Minabuti ni Ate Laura na pagdasalin lahat ng mga kaklase ko sa harap ng pool. Sabay sabay silang bumibigkas ng Ama namin at tatlong Aba Ginoong Maria ng bigla ulit ako naglaho. Nang mga sandaling iyon, nagiiyakan na ang mga kasama naming babae at maging ang mga lalaki kong kaklase ay takot na takot sa kanilang nararanasan. Muli silang pumasok sa mansiyon at sinubukan ulit ako hanapin. 


Ayon kay Myeth hindi siya tumigil sa pagdadasal sa kaniyang isipan habang naghahanap siya sa loob ng mansiyon. 

"Diyos ko patawarin Niyo po ako, gabayan Niyo po kami at tulungan. Iligtas Niyo po si Allen, huwag Niyo po hayaang may masamang mangyari sa kniya. Kung sino man po kayo na aming nagambala, patawarin niyo po kami, hindi po namin sinasadya na kayo ay magambala sa inyong pagpapahinga. Parang awa niyo na po at ibalik niyo na po sa amin si Allen."

"Allen!!!!" ang sigaw ng kaklase naming si Erwin ng makita niya ko sa library. Ayon sa kaniya, nakita daw nila akong nakahiga sa likuran ng estante, walang malay at hawak hawak ang kandilang dala ko nung ako ay nawala.


Nang ako ay magising, nasa loob ako ng kuwarto ni Ate Laura at nakapalibot sa akin ang aking mga kaklase. Marami silang tinatanong sa akin subalit wala ako matandaan maliban sa matandang lalaki na nakita ko sa library. Tanging si Byron lang ang sinabihan ko ng tungkol sa matandang lalaki at sinabi niya sakin na siya yung matandang kubado na nakita niya na nakadungaw sa may gate ng gabing dumating kami sa mansiyon. Mula noon tumatak na sa isip ko na sa sandaling maulit na may magpakita sa akin at ako ay kausapin, hindi hindi ko siya dapat sagutin. Sabi ni Byron, sa sandaling nakipag-usap ka ay binubuksan mo ang iyong sarili sa elementong ito at anu mang nilalang na may madilim na kinalalagyan ay gagawin ang lahat upang kumawala sa tanikalang gumagapos dito maging sa pagsapi man na paraan.


Alas nueve ng umaga ng kami ay umalis sa lugar na iyon. Habang kami ay papalabas ng gate hindi ko napigilang lumingon sa pintuan ng mansiyon at ako ay nagulat ng makitang nakakandado nga ito at sa may bintana ng library ay naaaninag ko pa ang ulo na ng taong nakatayo sa estante ng mga aklat.



Pagsapi (Part II)

Ito ang mga salaysay ni Allen...

"Babae yung multo na kumausap sakin sa kabilang kuwarto, ang sabi niya, Kamusta? Sa aking karanasan natutunan ko na hindi ka dapat nakikipagusap sa kaluluwa o multo gaya ng tawag ng ilan. Bata pa lang ako ng natuklasan ko ang tungkol sa aking third eye. 

Oo kahit sa opis natin marami ako nakikita. Minsan sa pantry at meron din sa elevator. Hindi lang din ako ang meron third eye sa project natin, alam ko meron pang ibang nakakakita bukod sa akin. Bata pa lang ako ay nahihirapan na akong magwalang-bahala sa mga nakikita ko. Dahil alam ko nakikita rin nila ako. 

Dumaan sa buhay ko ung mga pangyayaring maaaring nakita niyo na sa ibang palabas sa TV, gaya ng mga pag-sapi. Dahil ako ay bata pa at hindi alam kung paano proproteksiyunan ang sarili mula sa mga multo at iba pang mga elemental na nilalaang na nakikita ko, minsan na akong nasapian. Hindi ko rin mataandaan kung ano at kung paano nangyari. Subalit ayon sa mga nakasaksi, nakita nila akong bumababa ng hagdan ng nakabaligtad gamit ang kamay at mga paa. Lahat din ng gamit sa aming bahay ay lumutang. Nang mangyari ang pagsaping iyon dinala ako ni mama at papa sa isang Psychic para gawan ng paraan kung paano ko maiiwasan ang masapian. Meron orasyon o dasal na ginawa ang Psychic. Pagkatapos non ay pansamantalang naging tahimik at naiwasan ang mga pagsapi. Subalit patuloy pa rin ang pagbuka ng third eye ko. Bawat araw iba ibang nilalang ang nakikita ko. Mahirap ipaliwanag kung ano sila. 

Hanggang sa pumasok ako ng High School at nakilala ko si Byron. Naging close kami ni Byron dahil gaya ko, meron din siyang third eye. Sa kaso niya, maaga niyang natutunan kung paano makakaiwas sa mga mapanganib na kaluluwa. Siya rin ang palagi kong naging sandalan sa tuwing makakakita ako ng multo o anupamang nilalang. Unti-unti ko na ring natanggap sa tulong ni Byron ang kakaiba kong abilidad, mga mata na nakakakita at mga taenga na nakakarinig ng mga nilalang na hindi nakikita ng iba. Subalit hindi ko alintana na may pangyayari pa palang magaganap na siyang magtuturo sa akin kung paano umiwas sa isang pagsapi.

"Katatapos lamang ng JS Prom namin. Nagkayakagan kaming mga magbabarkada na mag-ghost hunting. Isa sa mga barkada namin si Mayeth and may ate na nagtratrabaho bilang care-taker sa isang lumang mansiyon sa lugar namin sa Rizal. Ang balita namin, isang kilalang pulitiko ang nagmamay-ari ng mansiyon at bagupaman sa kniya ay isa pang kilalang aktres at singer ang dating may-ari nito.

Hindi kalayuan ang mansiyon sa aming school kaya mabilis kaming nakarating sa lugar. Menos trenta minutos bago maghating-gabi ng kami ay nakarating. Sa may gate pa lang ay kinakabahan na ako. Lingid sa kaalaman ng aming mga kaklase, kami ni Byron ay bahagya nang hindi kumportable sa aming nakikita. Sa may malaking puno sa tabi ng gate ay mayroong maitim na nilalang ang tila bagang nakaupo sa malaking sanga nito. Sa balikat niya ay may maliit din na nilalang ang nakaupo, gayundin sa mga maliliit na sanga ng puno. Sa bandang ibaba nito ay mayroon ding mga nilalang ang nakatayo. Yung iba ay nakaupo, maliit, malaki, mabuhok, maitim, may-damit, at mayroon ding nakahubad. Siniko ko si Byron at siniko din niya ako pabalik, sabay sabing, huwag mo silang tingnan. Sa kalagayan ko, mahirap sundin ang sinasabi ni Byron. Sa totoo lang kinakabahan ako dahil lahat sila ay parang galit na galit sa aming pagpunta. Karamihan sa kanila ay nakatinging sa amin. Ang iba naman ay palakad-lakad sa paligid at tila bagang walang nakikita.

Dahil madalas pumunta dito ang kaklase naming si Myeth, sinabi niya na pwede naman daw kami tumuloy sa mansiyon dahil matagal na naman itong abandunado at bukas ang mga pinto. Maliwanag ang gabi dahil nagkataong kabilugan ng buwan ngayon. Bukas din ang ilaw sa labas ng maid's quarters sa bandang kanan malapit sa gate pero sabi ni Myeth malamang tulog na ang ate niya at ang dalawa nitong kasama. Nagsabi naman daw siya kaninang umaga na kami nga ay dadaan sa lugar na iyon pagkatapos ng Prom.

Kasama ang sampu naming kaklase, si Myeth, si Byron at ako ay tumuloy sa malaking pintuan sa harap ng masiyon. Gamit ni Myeth at Erwin ang dala naming flashlights. Hindi pa kami nakakahakbang papasok ay biglang namatay ang mga flashlights. Hindi ko alam pero kinakabahan ako. Sabi ko kay Myeth at Byron na umuwi na lang kami, wala rin naman tayong makikita sa loob kung wla tayong dalang ilaw. Subalit ayaw magpaawat ni Myeth. Sandali siyang pumunta sa likod bahay ng maid's quaters kasama si Nicole at bumalik na may dala dalang kandila. Binigay niya sa akin ang isa, at ang iba naman ay iniabot kay Erwin, Nicole at dalawa pa naming kaklase. Gaya ng inaasahan ko hindi namatay ang kandila. Kami ay tumuloy sa loob papaunta sa may library.

Madilim sa loob ng mansiyon. Dahil sa laki nito at maliit lamang ang liwanag na dala ng aming mga kandila, mahirap makita kung ano ang maarai mo makasalubong o matapakan sa daan. Anim sa aming mga kaklase ang nagpunta sa bandang kusina kasama si Erwin. Samantalang ako, si Byron, Myeth, Nicole at dalawa pang kaklase ang sumama sa library. May kalakihan din ang library kaya nag-ikot ikot kami sa mga lamesa sa loob. Ilang sandali pa ay dinala ako ng aking mga paa sa kubling bahagi ng kuwarto kung saan may mataas na estante na puno pa rin ng mga naglalakihang libro. Sinubukan kung basahin ang pamagat subalit nababalot ito ng alikabok. Bahagya akong may naaninag na tao sa likurang ng estante. Dahil sa akala ko ay isa sa mga kaklase ko ito, siya ay aking sinundan. Pagdampi ng liwanag ng aking dalang kandila sa nilalang na sumalubong sa akin, ako ay nagulat at natakot sa aking nakita. Isang matandang lalaki na bahagyang kubado, nakaitim na damit at tila bagang walang buhok ang galit na galit na nagsalita at sinabing, ano ang ginagawa niyo dito? Dahil ako ay nataranta at nagulat nasabi ko na lang na, pasensiya na po kayo, hindi po namin sinasadyang pumasok... at bigla akong nawalan ng malay."

Sabi ko kay Allen, "Bigla ka nawalan ng malay? Pero ano nangyare, nagpakilala ba yung matandang lalaki?". Sabi ni Allen, "Ayun lang ang natatandaan ko mula ng kami ay nagpunta doon sa mansiyon na iyon. Kung anuman ang nangyari pagkatapos kung makita ang matandang lalaki ay salaysay na lamang ng mga kaklase ko." At ito ang mga salaysay ng mga kaklase ni Allen nang sandaling nakita niya ang matandang lalaki.

Itutuloy...

Translate