Saturday, July 26, 2014

Pagsapi (Part III)

Ayon sa aking mga kaklase nang sandaling nakita ko ang matandang lalaki at nawalan ng malay ay bigla na lamang daw akong naglaho.

Si Myeth ang unang nakapansin sa aking pagkawala. 

"Nasaan si Allen?" Biglang lumapit si Byron at Nicole sa kaniya. 
Sabi ni Nicole, "hindi ba kay Allen itong kandila?" Sabay turo sa kandilang naiwan sa likuran ng estante. 

Nagpanic sila at nagmadaling hinanap ang iba naming mga kaklase na nasa may kusina.


"Myeth, dapat ata sabihin na natin ito sa ate mo para matulungan niya tayo", ang sabi ni Erwin. 

"Sige, Erwin isama mo si Byron at ang iba pa nating mga kaklase, hanapin niyo ulit si Allen sa library. Hintayin niyo kami ni Nicole, susunduin namin si ate" ang sabi ni Myeth.

Hindi pa nakakalayo sa mansiyon si Myeth at Nicole ng salubungin sila ng kaniyang Ate Laura. 

"Myeth, ano ginagawa niyo sa mansiyon? Bakit may mga sumisigaw sa loob? Sino yung Allen?", ang tanong ng kniyang ate. 

"Ate, si Allen yung kaklase ko bigla na lamang siya nawala sa loob, hindi namin alam kung nasaan na siya. Kanina kasama lang namin siya sa library ng bigla na lang siya nawala. Eto lang kandila niya yung naiwan"  ang sabi ni Myeth.


"Myeth, di ba sabi ko sayo hindi biro ang mga paalala ni Aling Juaning at Trining sa mansiyon na iyan? Ilang beses ko ba sasabihin sayo na matagal ng ipinagbabawal na may-ari na pasukin ang bahay? Saka pano ba kayo nakapasok eh kaninang umaga lang kinadena yan ni Kuya Emong yung asawa ni Aling Juaning nung marinig niya na papasok ka na naman?"


"Ate, alam ko pasensiya ka na, hindi naman namin inaasahang mangyayari to. Samahan mo na lang kami, nasaan ba sila Aling Juaning, baka matulungan nila tayo."


"Umalis ang mag-asawa, kasama si Ate Trining kagabi at manganganak na daw ang panganay nila si Julia, yung taga San Mateo?, Oh siya halika na, hanapin na natin ang kaklase mo, Nicole iha dalhin mo tong kandila ni Allen."


Pasado ala-una na ng umaga at hindi pa rin nila ako nakikita. Nilibot nila ang buong mansiyon, maging ang mga kuwarto sa taas at mga bodega sa ibaba subalit hindi nila ako makita. Walang anu-anoy biglang sumigaw ang isa naming kaklase si Nicole. Sinundan nila ang sigaw at lahat sila ay nagulat sa kanilang nakita. Sa labas ng mansiyon, sa may swimming pool sa tapat ng bintana ng library nakita nila ako. Ako daw ay nakahiga at lumulutang sa swimming pool, pero walang tubig sa swimming pool dahil matagal na ngang abandunado ang mansiyon. Hindi nila alam ang gagawin maging ang kaibigan kong si Byron ay hindi alam kung ano ang gagawin. Ayon sa kaniya, wala din daw siyang nakitang nilalang mula ng nawala ako sa library, parang bang naglaho din ang kakayanan niyang makakita nung sandaling ako ay nawala. Minabuti ni Ate Laura na pagdasalin lahat ng mga kaklase ko sa harap ng pool. Sabay sabay silang bumibigkas ng Ama namin at tatlong Aba Ginoong Maria ng bigla ulit ako naglaho. Nang mga sandaling iyon, nagiiyakan na ang mga kasama naming babae at maging ang mga lalaki kong kaklase ay takot na takot sa kanilang nararanasan. Muli silang pumasok sa mansiyon at sinubukan ulit ako hanapin. 


Ayon kay Myeth hindi siya tumigil sa pagdadasal sa kaniyang isipan habang naghahanap siya sa loob ng mansiyon. 

"Diyos ko patawarin Niyo po ako, gabayan Niyo po kami at tulungan. Iligtas Niyo po si Allen, huwag Niyo po hayaang may masamang mangyari sa kniya. Kung sino man po kayo na aming nagambala, patawarin niyo po kami, hindi po namin sinasadya na kayo ay magambala sa inyong pagpapahinga. Parang awa niyo na po at ibalik niyo na po sa amin si Allen."

"Allen!!!!" ang sigaw ng kaklase naming si Erwin ng makita niya ko sa library. Ayon sa kaniya, nakita daw nila akong nakahiga sa likuran ng estante, walang malay at hawak hawak ang kandilang dala ko nung ako ay nawala.


Nang ako ay magising, nasa loob ako ng kuwarto ni Ate Laura at nakapalibot sa akin ang aking mga kaklase. Marami silang tinatanong sa akin subalit wala ako matandaan maliban sa matandang lalaki na nakita ko sa library. Tanging si Byron lang ang sinabihan ko ng tungkol sa matandang lalaki at sinabi niya sakin na siya yung matandang kubado na nakita niya na nakadungaw sa may gate ng gabing dumating kami sa mansiyon. Mula noon tumatak na sa isip ko na sa sandaling maulit na may magpakita sa akin at ako ay kausapin, hindi hindi ko siya dapat sagutin. Sabi ni Byron, sa sandaling nakipag-usap ka ay binubuksan mo ang iyong sarili sa elementong ito at anu mang nilalang na may madilim na kinalalagyan ay gagawin ang lahat upang kumawala sa tanikalang gumagapos dito maging sa pagsapi man na paraan.


Alas nueve ng umaga ng kami ay umalis sa lugar na iyon. Habang kami ay papalabas ng gate hindi ko napigilang lumingon sa pintuan ng mansiyon at ako ay nagulat ng makitang nakakandado nga ito at sa may bintana ng library ay naaaninag ko pa ang ulo na ng taong nakatayo sa estante ng mga aklat.



No comments:

Post a Comment

Translate