"September 8, 2011, 4PM ng hapon, maulan ng araw na iyon ng pinuntahan ko ang pinsan ng asawa ko na si Thelma. Madalas naman naming puntahan ang kanilang bahay dahil isa itong malaking compound. Sa bandang unahan ay isang abandonadong mansion na dating pag-aari ng kniyang yumaong biyenan. Habang ang kanilang bahay ay nasa bandang likuran at natatakpan ng sari-saring puno, manga, buko, bayabas, saging, kaimito, at iba pa. Maliliit pa lang ang mga anak ko ay palagi na naming pasyalan ang kanilang lugar. Madalas kami mag-picnic at minsan ay nagvivideoke maghapon. Noong mga panahong iyon ay napapalibutan pa ng bukid o sakahan ang kanilang compound. Masarap magpunta sa hapon para magpalamig at makalanghap ng sariwang hangin. Subalit sa panahon ngayon ang dating malawak na bukirin ay natayuan na ng isang subdivision. Hindi natin alintana anumang klaseng elemento ang maaring naninirahan doon ang nabulabog at ngayon ay gumagala sa mga nakapalibot na kabahayan, kasama na ang compound nila Thelma.
Kaarawan ng aking apo sa pinsan ng asawa ko, nagkataong inaanak din ng panganay ko. Sinundo ko si Thelma para bumili muna kami ng regalo bago pumunta sa birthday party. Malakas ang ulan ngunit hindi naman masyadong mahangin kaya nagpasya na lang ako na hinatayin siya sa labas ng kanilang bahay kung saan nakaparada ang kanilang tricycle. Sabi ko, "hintayin na lang kita rito at hindi ka pa naman nakakapaligo, bilisan mo ang kilos ng makaalis na tayo". Sa edad ko kasing eto, madalas akong pinagpapawisan, kaya mas mabuti sakin ang nasa labas kung saan mas malimig sa pakiramdam. Inaliw ko na lang ang sarili ko sa pagtetext habang hinihintay ko si Thelma.
Doon siya nagsimulang magparamdam. Hindi ko diretsong tiningnan ang itsura niya ngunit nakikita ko ang malaki niyang anino. Alam ko na eto marahil ang nababanggit ng mga matatanda na Tikbalang. Malaki ang kaniyang anino pra sa isang ordinaryong tao, marahil ay lampas 6 feet. Nasa bandang likuran siya at marahang nagpaikot-ikot sa tricycle. Alam ko na pinaglalaruan na ako ng elementong ito. Habang lumlalakas ang ulan ay lalo niyang binilisan ang pag-ikot. Mabilis ang mga pangyayari. Kinakabahan ako at natatakot. Hindi ko diretsong tinitingnan ang tikbalang ngunit nakikita ko ang kniyang anino habang mabilis siyang nagpapaikot-ikot sa tricycle. Kinalaunan, bigla itong tumalon at narinig ko na lang bigla ang isang mabigat na yabag sa bubong ng kanilang bahay. Nang sandaling iyon sumigaw si Thelma, "Annalie ayos ka lang ba diyan?". Sa isip ko kinausap ko ang elementong naglalaro at sabi ko, "Huwag ako at taga-rito din naman ako.". Napasagot na lang ako kay Thelma ng "Oo, bilisan mo na lang diyan."
Ang malakas na ulan ay unti-unting humina hanggang sa maging ambon na lang. Hindi na nagparamdam ang Tikbalang. Nakakapagtaka na sa lakas ng yabag ng elementong iyon sa knilang bubong ay hindi man lang ito narinig ni Thelma. Sa aming pag-alis ay naikwento ko ang pangyayari sa kaniya.
No comments:
Post a Comment