Tuesday, August 13, 2013

Pagsapi (Part I)

Summer outing ng company namin sa Fontana. Maghapon ang activities, swimming and late dinner with project-mates. Pito kaming magkakaproject na magkasama sa isa sa mga Villas sa Fontana. Meron itong 3 bedrooms, lounge area, patio at kitchen. Medyo gloomy sa aking opinion ang Villa na ito dahil na rin siguro sa mga naglalakihang puno sa labas. Dati itong tirahan ng mga sundalong Amerikano noong nasa bansa pa sila.

Almost 8PM na ng gabi habang inaayos namin ng roommate ko na si Don ang aming kuwarto ay napansin ko na si Mark ay nandito pa rin at hindi pa natutulog. "Uy Mark, bakit nandito ka pa? Hindi ka pa ba matutulog?" tanong ko sa kaniya. "Pwede ba dito na lang ako?" ang sagot ni Mark. "Saan ka naman pupuwesto dito eh dalawa lang ang kama?" ang sabi ko sa kniya. "Diyan na lang sa sahig. Si Allen kasi ayaw sa kuwarto namin, sa sala na lang daw siya matutulog." ang sabi niya. "Bakit naman? Huwag mo sabihing meron multo sa kuwarto niyo?" ang pabiro kong sagot. "Meron nga." ang sabi ni Mark. Nagkatinginan na lang kami ni Don at nagtataka kung ano pa ang hindi sinasabi ni Mark. Lumabas ako sandali sa kuwarto at pinuntahan ko si Allen. Napansin ko na tulog na rin and dalawa pa naming kasama sa Villa na sila Ivan at Ruel sa kabilang kuwarto.

Nakita ko nakahiga sa sala si Allen. "Allen, ayaw mo daw matulog sa kuwarto niyo sabi ni Mark?" ang tanong ko sa kaniya. "Ayoko sa kuwarto namin." ang mabilis niyang sagot. "Oh sige dun na lang kayo ni Mark sa kuwarto namin. Ibaba na lang natin ung mattress tapos dalhin mo na lang yang kumot at unan mo." ang sabi ko sa kaniya.

Sa loob ng kuwarto namin si Don ang unang nagtanong. "Oh ano ba ang problema? Ano ba meron sa kuwarto niyo?" ang tanong ni Don. "Sabi kasi ni Allen meron kumausap sa kaniya eh." ang sabi ni Mark. "Ano naman ang tinanong sayo Allen, bakit ka natakot?" ang tanong ko kay Allen. "Ayoko lang kasi maulit yung nangyari dati." ang sabi ni Allen. "Ano ba ang maaaring mangyari?" ang tanong ko sa kaniya.

Dito nagsimula ang mahaba naming kuwentuhan sa panganib ng pakikipagusap sa kaluluwang ligaw. Ito ang mga salaysay ni Allen.

Itutuloy...

Aswang

Marahil isa sa pinakamahirap na pagsubok sa ating buhay ay ang patatagin ang iyong paniniwala sa Kaniya...

Dakip silim noon ng ang aming grupo ay nagbahay-bahay sa liblib na purok sa paanan ng Bundok Makiling. Dala na rin ng aking pagkasabik na maibahagi ang Salita ng Diyos ako ay humiwalay sa grupo at nagpasyang puntahan ang likurang bahagi ng purok. Hindi mo aakalain na sa liblib na lugar na napapalibutan ng kagubatan ay may mangilan-ngilan na naninirahan. Sa aking pananaw, ito ang mga taong dapat ay pinaglalaanan natin ng panahon upang mabahagian ng magandang balita na nakapaloob sa ating Bibliya.

Nagsisimula mang dumilim ang paligid ay akin paring sinuong ang kagubatan hanggang sa marating ko ang isang maliit na kubo. Walang palatandaan na anumang uri ng pamumuhay, ni alagang mga hayop o halaman ay wala sa paligid ng kubo. Aking napansin na bahagyang nakabukas ang pintuan nito at ako ay nagpasiyang pumasok.

"Maganding gabi po." ang aking bungad na pagbati. "Magbabahagi lang po ng Salita ng Diyos." Tahimik ang loob ng bahay. Nang aking ibaling ang aking paningin sa direksyon ng kusina ay nakita ko ang isang matandang lalaki na tila bagang hindi natutuwa sa aking pag-abala. Ang matandang lalaki ay bahagyang maliit ang taas at marahil ay nasa edad na 50 hanggang 60. Siya ay nakadamit ng itim at nakayapak lamang. Hindi siya nagsasalita at tahimik lamang. "Mawalang galang na po, magbabahagi lang po ako sa inyo ng magandang balita na napapaloob po sa ating banal na Bibliya." ang aking patuloy na pagbati. Ako ay biglang napahinto sa aking pagsasalita ng ang aking hawak na Bibliya ay lumutang sa hangin. Ang matandang lalaki ay bahagyang nag-iba ang mukha at ang kaniyang mga mata ay nanlilisik na nakatingin sa akin. Magkahalong kaba at takot ang aking nararamdaman ng mga sandaling iyon subalit sa aking isipan ay biglang sumagi ang mga kataga sa Bibliya sa aklat ng Efeso. Aking kinuha ang nakalutang na Bibliya sa hangin at binuksan ito sa aklat ng Efeso. Aking sinambit ang mga katagang...

Efeso 6:12

Sapagka't ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan.

Habang sinasambit ako ang mga katagang ito ay katahimikan lamang ang aking naririnig. Ako ay tumingin sumandali sa direksiyon ng matanda at ako ay biglang nagulat sa aking nakita. Ang kaniyang mukha ay tuluyang nagbago ng anyo, lumaki ang kaniyang bibig gayundin ang mga ngipin. Ang kaniyang buhok ay bahagyang nabanat paatras sa nagmistulang lumaki niyang ulo. Ang kaniyang taenga ay lumaki at tumulis ang dulo at ang kanyang mga kilay ay kumapal. Ang kaniyang mga mata ay nanlilisik na nakatingin sa akin at ang kanyang dila ay humaba na abot hanggang lupa. Sa mga sandaling iyon ako ay pinangunahan ng takot at kaba. Ako ay nagmadaling lumabas sa kubo dala ang aking Bibliya. Ako ay tumakbo pabalik sa direksyon ng purok patungo sa aking mga kasama.

Ako ay balisa at hindi mapakali habang lulan ng van. Ako ay umupo sa bandang hulihan para makaaiwas sa mga tanong habang kami ay nasa biyahe. Dahil sa mahaba haba rin ang oras na kakainin ng byahe pa-Maynila, minabuti rin ng iba kong kasama na matulog na lang sa van. Hindi pa rin mawala sa aking isipan ang mukha ng matandang lalaki, mukha na karaniwan nating makikita sa mga nilalang na tinatawag nilang Aswang.

Mag-aalas diyes ng gabi ng ako ay nakarating sa aming bahay sa Q.C. Nang akin ng bubuksan ang ilaw sa sala biglang tumindig ang aking mga balahibo at nakadama ako ng kakaibang takot. Ang mukha na hindi mawala wala sa aking isipan ay nakadungaw sa bintana ng aming bahay. Sinabi ko sa aking sarili na ang Diyos ang aking proteksiyon. Ang aking nakikita ng mga sandaling iyon ay ang demonyo na nais pahinain ang aking paniniwala sa Kaniya. Agad kong binuksan ang hawak ko na Bibliya at sinambit ang mga kataga sa aklat ng Efeso 6:12-18. Ang nilalang na ito ay biglang nawala sa aking paningin. Subalit nagdaan pa ang mga araw sa tuwing sasapit ang alas diyes ng gabi sa aking pag-uwi ay palaging nagpapakita ang nilalang na ito sa labas ng aming bintana. Aking palaging hawak ang aking Bibliya at paulit ulit kong sinasambit ang mga kataga sa aklat ng Efeso. Makaraan ang tatlong araw ay hindi na muling nagpakita pa ang matandang lalaki.

Sa kabila ng mga nangyari ay lakas loob pa rin akong nagbabahagi ng Salita ng Diyos saan mang lugar kami mapadpad ng aking grupo. Naniniwala ako na sa mundong ito walang ibang makapangyarihang nilalang bukod sa Kaniya na ating dapat katakutan basta buo ang ating paniniwala at hindi sumusuko sa pagsubok na maaaring ipanakot sa atin ng mga maiitim na elemento.

Translate